Friday, June 14, 2013

Generation X

Ngayon karamihan sa mga bata ay may gadgets, mga bagay na kung wala ka ay di ka in. Karamihan ngayon merong cellphone, tablets, ipods, psp, xbox, playstation, wii, at kung ano ano pa. Karamihan din ay marunong na mag internet, ang mga projects ay nagagawa ng mabilisan ( salamat kay manong google ). Printable na din ang mga larawan na projects at sa tulong ni MS Office nagagawa na ang lahat ng di na kailangan ng whiteout. Karamihan na rin ng mga bata ngayon ay nahuhumaling na sa mga instant. Noodles, chocolate drinks, juice, processed foods, maging ang mga spaghetti instant na din. Halos araw araw kumakain sa fastfoods, hamburger at tsiken joy.

Mahihina na rin ang mga bata ngayon, babad sa TV, sa internet kakalaro ng DOTA, counterstrike at candy crush.


REWIND : 1980 - 1990


Noong panahon ko ang gadgets lang na nalalaro noon ay Gameboy, Game and Watch, View Master, Atari at Family Computer. Pumupunta pa ako noon ng bayan kasama si Langka para lang maglaro ng Contra o Mario.

Pero hindi doon umiikot ang buhay ko, namin. Sa mga larong kalye kami noon namulat. Kapag sabado at lingo ng umaga ay naglalaro kami ng tatsing ng mga tao-tauhan. Doon ko nabuo ang he-man at lion-o na action figure kaya lang iba iba ang kulay. Madalas sa mga tsitsirya mo lang sila makukuha na putol putol na parang chopchop lady ang itsura. Minsan kung iba ang kulay ng paa ay itrade mo sa kaklase mo para solid ang kulay. Ako naman ok lang kung iba-iba ang kulay kasi may pintura sa bahay at iko-customized ko na lang ito. 

TEKS / POGS : Uso din noon ang teks, pero hindi yung sa cellphone kundi yung mga pelikulang nilagay sa papel na parang komiks ang dating (hanggang 64 ata ang pinakamataas at yung din ang ending). Meron din noon na mga Marvel Cards sa bawat paete ng Lucky Me pansit canton. Meron din sa Serg's Chocolate. Maraming laro ang magagawa mo sa text, merong hulaan ng pinakamataas na numero. Kanya kanyang tayaan, malas lang ng bangkero kapag marami ang sumasali. Nauso din ang pogs, nag iipon kami noon ng tansan at ipapalit ng pogs sa delivery truck ng Coke.

                                          POGS


TEKS











GOMA. Yan ginagawa ko pang kadena at kapag delana ay doble ang palit nito ( ito yung goma na kulay beige na may stripe na pula, blue at green). Ginagawa din itong sipa.

                                         GOMA










HOLEN. Madalas na laro nito yung isho shoot mo sa butas ang holen at paunahan kung sino makabalik. Kung sino ang kulelat malamang maga ang kanyang kamao. Minsan pwede din itong dangkalan. Iba ibang kulay at laki ng holen, meron kaming tinatawag na MARMOL noon, ito yung puti at meron din yung makukulay.

HOLEN











TRUMPO. Madalas napapagtripan namin ang kahoy ng bayabas kasi matigas ito, minsan meron na mga ready made pero madaling mabitak. Minsan napagtripan ko na gawing trumpo ang ulo ng PINBALL ng bowling.

                                     TRUMPO











LUKSONG TINIK | BAKA. Ito ang gusto ko kasi matangkad ako, bihira ka mataya. Yung nga lang di pwedeng sumali ang mga babae sa luksong tinik kasi naka palda sila, baka may makita.

LUKSONG BAKA


             LUKSONG TINIK











SIPA. Madalas ang gamit namin dito ay itinaling goma o kaya ay washer na may balat ng kendi. Pwedeng gamitin ang paa o kamay o braso, depende yan sa trip nyo.

SIPA










SYATO. Isang laro na ang kailangan mo lang ay dalawang patpat, isang mahaba at isang maliit. Gagawa ka ng kanal na hukay sa lupa at ilalatag mo ng pahiga ang maikling patpat sabay susungkitin ng mahabang patpat.

                                        SYATO










PATINTERO. Madalas sa hapon namin ito ginagawa sa kalsada. Bubuhusan mo lang ng tubig ang gilid at gitna para makagawa ng mga hugis parisukat at ok na. Minsan kapag brownout at maliwanag ang buwan ay nilalaro din namin ito.

PATINTERO











marami pang ibang laro noon na healthy na sa katawan at pinapagana pa ang isipan. agawan base, taguan pong, chinese garter, step no step yes, tumbang preso at marami pang iba. Bukod sa wala kang gagastuhin na pera, marami ka pang nakakasalamuhang tao. Maraming kaibigan.


Minsan sasabihing matanda ka na, pero kahit lahat tayo ay matanda na, may puwang pa rin sa puso natin ang pagiging BATA.

Sunday, June 9, 2013

Fresh From The Pack

Siksikan na naman sa Divisoria at Baclaran, maging sa mga malalaking bookstore at tindahan ng mga school supplies. Mabangong mabango ang mga bagong gamit pang eskwela. Amoy pabrika, ika nga " fresh from the pack ". Bagong " nookbook " na ang pabalat ay mga artista, cartoon character at kung ano ano pa. Bagong lapis, ballpen, bag, sapatos, eraser, ruler, uniform, sapatos, baunan at kung ano ano pa. Malamang bago din ang payong at raincoat at may bunos pa na bota. Mga bata ngayon gusto lahat bago, gusto lahat kumpleto agad ( maliban na lang kung anak ka ng may ari ng isang malaking kumpanya ), yung amoy pabrika pa ang gamit pagpasok sa paaralan.


REWIND 1990's

Dahil sa mahirap kami ( mayaman lang ng kunti ng 25 million si Henry Sy noon ) karamihan ng gamit ko, kung hindi recycle eh napulot ko lang sa pamamasura ko noon ( kung ayaw mong maniwala basahin mo tong unang entry ko http://mgakwentongoldschool.blogspot.com/2013/06/on-suicide-because-you-failed-paying.html ). Ballpen, lapis, eraser, gunting at mga lumang papel na may sulat sa likod ay pinagtyatyagaan ko, katas ng basura ika nga. Ang " nookbook " ko noon ay recycle, parang si Frankenstein, tagpi tagpi. Yung mga lumang notebook na may mga pahina pa, iniipon ko yun at tinatahi ko para maging isang notebook ulit. Bihira ako noong maglagay ng plastic cover kahit sa libro, madalas manila paper o lumang glossy na dyaryo o kaya ay playboy magazine ( yung panghuli ay guni guni ko lang ). Ang bag ko noon ay tinahi lang ng mama ko, dinala ko pa yung bag ng kaklase ko na khumbella para gayahin ni mama pero sablay pa din. Sabi ko kulay moss green pero ang ginawa grey.

Kapag maulan noon at walang payong tyaga na lang sa dahon ng saging o galyang ( sa di alam ang galyang ito po yun, isang mutant na gabi ).


Galyang : Ang Mutant Na Gabi



Madalas ay may baon akong malaking plastic bag kasi pag malakas ang ulan doon ko binabalot ang mga gamit ko sabay ligo sa ulan. Di uso ang bota o raincoat ( mother nature provides ). Nakatira kami noon sa palengke at kapag may project na kailangan ng karton o papel, hinihintay ko lang na dumilim at presto nagiging ninja ako. Oo, tirador ako noon ng mga poster na nakadikit sa mga tindahan ( sana di malaman ni Achacon na ako ang kumuha ng poster noon ng white castle). Ang shorts ko noon di ko malaman kung pambabae kasi short shorts o tinipid ako ng nanay ko sa tela o malamang tira tirang tela ng nagpatahi sa kanya. Ang pencil case ko noon ay isang box ng bear brand, andoon na rin kasama ang mga putol putol na krayola, binuhol na goma bilang eraser at ruler ng nanay ko na madalas hanapin sa akin. Ingit ako noon sa kapitbahay namin na may 64 na krayola sa box nya samantalang sa akin ay 8 lang. Pinagyayabang nya pa sa akin kasi may gold at silver sa mga krayola nya pero nalusaw lang kasi naiwan nya sa bubong ng minsang nag coloring kami sa kanila.


Ang buhay estudyante ko ay umiikot sa luma at recycled na gamit.

Kahit luma na mga krayola, makulay pa din ito. 

Friday, June 7, 2013

On Committing Suicide Because You Failed To Pay Your Tuition Fees On Time

Marami na akong nabalitaan na mga nagpapatiwakal sa maraming dahilan. Problema sa pamilya, napahiya, nabully sa eskwela, naka dispalko ng pera, iniwan ng kasintahan o asawa at ang pinakabago sa lahat ay dahil sa walang pang tuition. 

Isang kaduwagan ang pagpapatiwakal. Pagtalikod sa hamon ng buhay. Mahina ang loob na harapin ang problema. Mahina ang pundasyon.

Di ako nakapagtapos ng kolehiyo di dahil sa wala akong pang tuition, kundi sa dahilang nag trabaho na ako. Noon nasa elementarya ako, kapag walang pasok ay nagtitinda ako ng mga meryenda sa hapon at naghuhugas ng pingan sa karenderya ng aking tiyahin. Nag iikot ako sa mga bahay bahay upang ilako ang mga paninda ko. Doon ko kinukuha ang pambili ko ng gamit ko at baon. Mahilig din akong mangalakal noon, nag iipon ng bote, papel, karton, lata, bakal at mga tanso. Madalas ako noon sa inuman at kinukuha ang mga bote ng gin, at minsan napag uutusan ng merong lagay. Nagbebenta din ako noon ng singkamas. 

Pagpasok ko ng high school ay medyo gipit din kami sa buhay, madalas nilalakad ko lang papuntang eskwela at pabalik. Para na din makatipid nakikikain ako sa mga kaklase ko noon. Ako din ang gumagawa ng mga plate ng mga kaklase ko para may pandagdag sa baon. Minsan kahit damit at sapatos ang ibayad sa akin okay na yun. Nakapag summer job ako noon, para may pandagdag sa matrikula sa susunod na pasukan. Naging checker ako sa isang construction site at namigay ng flyer ng isang kandidato. Dahil sa ako lang ang naiwan sa probinsya at limang daan lang ang pinapadala ng nanay ko kada buwan, natuto akong mag experemento ng pagluluto ng pagkain ( ako lang kasing mag isang nabubuhay noon ). Sa likod bahay namin ay isang malawak na taniman ng kangkong, naghihingi ako sa may ari at ginigisa ko na lang sa sibuyas, bawang at toyo. Minsan pinakuluang talbos ng kamote o kaya ay malunggay. Namimingwit ng tilapia ( ng patago, kasi fishpond yun ) kung nauumay na sa gulay. Natapos ko ang high school ng walang bagsak sa grado ko.

Di naman kailangan magpatiwakal dahil sa wala kang pang tuition. Maraming paraan. Sa panahon na to na marami ang pwedeng pagkakitaan, bakit iaasa na lang lahat sa magulang? Kaya namang maging working student o student assistant. Kung merong talento pwedeng gamitin para pagkakitaan.

Sa lahat ng bagay na akala mo di mo kayang gawin o lutasin, hindi kasagutan ang PAGPAPATIWAKAL.