REWIND 1990's
Dahil sa mahirap kami ( mayaman lang ng kunti ng 25 million si Henry Sy noon ) karamihan ng gamit ko, kung hindi recycle eh napulot ko lang sa pamamasura ko noon ( kung ayaw mong maniwala basahin mo tong unang entry ko http://mgakwentongoldschool.blogspot.com/2013/06/on-suicide-because-you-failed-paying.html ). Ballpen, lapis, eraser, gunting at mga lumang papel na may sulat sa likod ay pinagtyatyagaan ko, katas ng basura ika nga. Ang " nookbook " ko noon ay recycle, parang si Frankenstein, tagpi tagpi. Yung mga lumang notebook na may mga pahina pa, iniipon ko yun at tinatahi ko para maging isang notebook ulit. Bihira ako noong maglagay ng plastic cover kahit sa libro, madalas manila paper o lumang glossy na dyaryo o kaya ay playboy magazine ( yung panghuli ay guni guni ko lang ). Ang bag ko noon ay tinahi lang ng mama ko, dinala ko pa yung bag ng kaklase ko na khumbella para gayahin ni mama pero sablay pa din. Sabi ko kulay moss green pero ang ginawa grey.
Kapag maulan noon at walang payong tyaga na lang sa dahon ng saging o galyang ( sa di alam ang galyang ito po yun, isang mutant na gabi ).
Galyang : Ang Mutant Na Gabi |
Madalas ay may baon akong malaking plastic bag kasi pag malakas ang ulan doon ko binabalot ang mga gamit ko sabay ligo sa ulan. Di uso ang bota o raincoat ( mother nature provides ). Nakatira kami noon sa palengke at kapag may project na kailangan ng karton o papel, hinihintay ko lang na dumilim at presto nagiging ninja ako. Oo, tirador ako noon ng mga poster na nakadikit sa mga tindahan ( sana di malaman ni Achacon na ako ang kumuha ng poster noon ng white castle). Ang shorts ko noon di ko malaman kung pambabae kasi short shorts o tinipid ako ng nanay ko sa tela o malamang tira tirang tela ng nagpatahi sa kanya. Ang pencil case ko noon ay isang box ng bear brand, andoon na rin kasama ang mga putol putol na krayola, binuhol na goma bilang eraser at ruler ng nanay ko na madalas hanapin sa akin. Ingit ako noon sa kapitbahay namin na may 64 na krayola sa box nya samantalang sa akin ay 8 lang. Pinagyayabang nya pa sa akin kasi may gold at silver sa mga krayola nya pero nalusaw lang kasi naiwan nya sa bubong ng minsang nag coloring kami sa kanila.
Ang buhay estudyante ko ay umiikot sa luma at recycled na gamit.
Kahit luma na mga krayola, makulay pa din ito.
No comments:
Post a Comment